Friday, November 13, 2009

Giyera ng mga Carinderia

ISANG MAIKLING KWENTO. WALANG DAYALOGO.
Copyright 2009 mula sa sulatin sa Filipino
This story is fictional and any similar happenings are entirely coincidental
Any illegal replication of the content is strictly prohibited (pero kung legal, ok lang)
See posters and print ads for details
If symptoms persist, consult your veterinarian

Sa isang bayan na nagngangalang Quesadilla, may isang ale na sikat dahil sa kanyang pritong manok. Siya si Aling Julie-B. Patok na patok ang kanyang carinderia, na KFC o Kanto Fried Chicken, sa kabataan, mga matatanda, at mga tambay na lawlaw ang tiyan. Malakas ang benta niya tuwing tanghali dahil yun ang oras kung kailan kumakain ang mga trabahador, bodegero, at mga baklang manikurista sa sikat na salon na Salon-ganisa.

Isang araw, naging matumal ang benta. Alas dose na ngunit wala pa ring kumakain ng kanyang mamantikang manok at umuusok na kanin. Medyo sumisilip na sa mundo ang mga usok sa namumulang tenga ni Aling Julie-B. Maya-maya, nakita niya si McDonna na may dala-dalang goto na abot sa bayan ng Tondonut ang bango. Tinanong niya si McDonna kung saan niya nabili ang kumukulong goto. Sinabi ni McDonna na nabili niya ang bumubulang goto sa isang bagong carinderia sa dulo ng bayan ng Quesadilla. Nang marinig ni Aling Julie-B ang mga salita na lumabas sa naglalaway na bibig ni McDonna, nagpasya siyang puntahan ang carinderiang iyon. Tumayo si Aling Julie-B mula sa kanyang maliit na upuan, binitawan ang pantaboy ng langaw, pinatay ang telebisyong nagmimistulang radyo sapagkat tunog na lamang ang lumalabas, ipinaubaya ang carinderia sa pamangkin niyang si Tuding, at tuluyang umalis upang bisitahin ang bagong karibal.

Matapos ang limang minutong lakad mula sa Kanto Fried Chicken, narating na ni Aling Julie-B ang kanyang hinahanap na carinderia. Tiningan niya ang carinderia. Bago, malinis, at doon kumakain ang mga baklang manikurista, na halatang-halata na napapaltusan ang mga chismosang dila dahil sa mainit na goto. Tiningnan naman ni Aling Julie-B ang plywood na tinapalan ng tarpaulin kung saan nakalagay ang pangalan ng carinderia:

"G. Congee's Goto Heaven"

Sa unang basa pa lamang ng pangalan ay masasabi na niya na kabataan ang nagmamay-ari ng gotohan. Sunod niyang tiningnan ang nagpapatakbo ng nasabing gotohan. Isang dalagita; Maganda, maputi, at halatang-halata ang kurba ng katawan. Hindi niya pinansin ang itsura ng dalaga ngunit ang reputasyon nito. Medyo nainis si Aling Julie-B dahil sa mabilis na asenso ng dalaga. Kaya't umalis siyang nakakunot ang noo. Lalong nadagdagan ang kanyang inis nang makaapak siya ng isang basang chewing gum at napadapa sa gitna ng kalsada.

Habang ginagamot ni Tuding ang mga galos ng kanyang tiyahin, nag-iisip naman si Aling Julie-B ng paraan kung paano mapaalis si G. Congee at mapabalik ang mga patay gutom na kostumer. Habang nag-iisip, nasulyapan ni Aling Julie-B ang poster ni Arnold Schwarzenegger at ni David Hasselhoff na nakaholding-hands at nakapose na parang nag-eendorse ng Avon products. Dahil sa kakaibang poster na iyon, naalala ni Aling Julie-B ang kanyang tatlong makikisig na kapatid, sina Baliwag, Andok, at Bugong. Dali-dali niyang inutusan ang tatlo upang sugurin ang Goto Heaven at ubusin ang lahat ng kasangkapan. Nagsuot na ng ninja costumes ang Julie's Angels at tuluyang gumayak para sa karumal-dumal na plano. Umupo si Aling Julie-B sa kanyang maliit na upuan at binuksan ang radyong telebisyon. Nakangiti na si Aling Julie-B nang may biglang kumatok sa kaniyang marupok na pinto, si G. Congee. Malungkot ang dalaga. Sinabi niya kay Aling Julie-B na aalis na siya sa bayan ng Quesadilla sapagkat hindi niya gusto ang pagtingin sa kanya ng mga kostumer niya. Hindi niya rin gusto ang lokasyon ng carinderia sapagkat malapit ito sa estero at tambakan ng basura. Humingi ng paumanhin si G. Congee sa pag-agaw ng mga kostumer ni Aling Julie-B, tsaka tuluyang naglayag paalis sa bayan ng Quesadilla.

Naramdaman ni Aling Julie-B ang awa nang tumalikod si G. Congee at patuloy nang naglayag patungo sa bayan ng Alabangus upang magsimula ng panibagong carinderia. Bagama't naawa si Aling Julie-B kay G. Congee, natuwa naman siya dahil babalik na ang mga suki niya at magiging malakas na naman ang benta niya. Tinawagan niya ang kanyang "Julie's Angels" at sinabi na huwag nang ituloy ang plano sapagkat umalis na si G. Congee. Matapos kausapin ni Aling Julie-B ang kanyang mga kapatid mula sa kanyang tamagotchi-sized SiPhone, pumunta si Aling Julie-B sa kanyang "Kanto Fried Chicken" upang linisin ang carinderia, patayin ang mga pesteng daga, at maghanda para sa panibagong bukas na darating.

"Alas siyete na po mga kaibigan, atdapatgumisinggisingnakayosapagkatnapakaganda..."

Pinatay ni Aling Julie-B ang AM radio ng kanyang asawang si Mang Donalds. Bumangon si Aling Julie-B mula sa kanyang salumpuwit, pumunta ng kusina, nagtimpla ng kape, pinatay ang langaw, nagluto ng itlog, at kumain ng agahan. Matapos lamunin ang agahan, agad-agad na pumunta sa carinderia si Aling Julie-B upang ihanda ang mga manok, harina, at toothbrush. Matapos ang mabigat paghahanda, binuksan na ni Aling Julie- B ang de-tukod na bintana. Masarap ang simoy ng hangin. Malamig at hindi maalikabok. Tumingin siya sa umagang langit at naramdaman niyang nginitian siya ni Haring Araw. Tiningnan naman niya ang mga batang naglalaro, nagpapadala ng diyaryo, at pumopotpot ng pandesal. Habang tuwang-tuwang pinanonood ang mga batang kasinlilikot ng mga inapakang uod, biglang may isang mamang sumigaw. Mabigat, matipuno, at nakakabingi. Lumingon si Aling Julie-B sa pinanggalingan ng malakas na tunog. Muntik na siyang tumawag ng pulis nang makita niya na si Mang Tataho lang pala iyon. Napahinga ng malalim si Aling Julie-B. Nginitian niya si Mang Tataho at bumili ng limang basong taho, sabay alok na kumain sa kanyang carinderia. Matapos lagukin ang mga maiinit na taho, kinawayan naman niya ang mga lolo't lolang nagdidilig ng kani-kanilang hardin sabay alok na naman na kumain sa kanyang carinderia. Tumayo ng may pagmamalaki at ngumit ng abot-batok sabay sabi na magiging maganda ang araw na iyon.

Dumating ang tanghali, ang oras na kinasasabikan ni Aling Julie-B buong araw. Hinanda na ang mga pritong manok, inilabas ang umuusok na kanin, at tsaka iwinagayway ang panaboy ng langaw. Pinatugtog pa niya ang theme song ng Voltes V upang umakit ng mga kostumer.

Tumunog na ang mga kampana ng simbahan, senyas na alas dose y medya na, ngunit wala pa rin ang kanyang mga suki. Mag-aala una na ngunit wala pa rin ang mga baklang manikurista...

...yun pala'y hindi na pagkain ang habol, mga papa na pala.

Biglang pumasok lahat ng ideas sa loob ng utak ni Aling Julie-B. Naisip niya na mag tayo ng panibagong parinderia, pinaghalong parlor at carinderia! At ang ipapangalan niya sa kanyang hybrid na establisamento:

"PASUBO (Parlor, Suman, Bopis)"