Friday, July 30, 2010

Shawarma


Title pa lang ang sarap na eh, no? Matagal-tagal ko na rin palang naiwan ang mundo ng blogging. Naisingit ko lang ang oras na ito sa gitna ng apatnapu't walong oras na natitira para gawin ang aking pitong takda. Pero biruin mo, halos siyam na buwan nang sinisigaw ng puso ng blog ko ang pangalan ko. Kung may asawa siguro ako, ang topic ko ngayon ang ipapangalan ko sa anak ko, bigat ng anak ko, o di kaya haba ng kanyang... buhok sa... ulo ng... katawan. Enough na sa baby talk, balik tayo sa topic.


Bakit ba napakasarap ng shawarma? Marami akong nakikitang taong ngumunguya, naglalakad, at nagsasalita ng may shawarma sa bibig o sa kamay. Yung iba nga eh, kulang na lang maging arabo. Pero kahit ako, talagang hilig kong bumili at kumain ng shawarma. Hindi ko sinasanto ang bawat shawarma stall na makita ko, maliban lang kung busog ako o najejebs. Pero kung hindi, bibili ako ng isa o dalawang large shawarma pita at kukunsumuhin ko ng parang mani.


Nagsimula ang shawarma sa mga arabo. Ang mga kasangkapan nito ay gawa sa iba't-ibang tradisyunal na pagkain na kinahihiligan ng mga arabo. Pero dahil nasa Pilipinas tayo at talagang may talentado talaga sa lahi natin, asahan mong iba ang version niyan dito sa bansa. Imbes na iba't-ibang spices ang ilalagay, dahil nga medyo may kuripotism tayo pero sadyang madiskarte, nagawa nating gamitin ang lahat ng mga pagkaing makikita sa Pilipinas na sa tingin natin ay may aurang arabo. Yan ang kamatis, pipino, sibuyas, at higit sa lahat, sibuyas. Binabalutan ito ng malaki o maliit na pita bread, depende kung gaano ka-PG yung bibili. Tulad ko.


Sa lahat ng taong naghahanap ng pamatid-gutom, isang malaking pintuan ang maliit na stall ng shawarma. Kausapin ng malumanay ang tindero ng shawarma na nakasuot ng turbana ng muslim at kimono ng mga hapon. Magugulat ka kung gaano kabibilis maglagay ng mga gulay at baka yung tindero. Kala mo nakaecstasy. Ang best part ng pagbili ng shawarma ay ang part kung saan hinihiwa ng tindero ang baka. Yung mistulang ginagawang gunting ang mga kutsilyo na kamukha ng bolo na ginamit ni Lapu-Lapu nang ipinakilala niya ang sakramento ng pagiging tunay na lalaki (sa mga batang makakabasa nito, tanungin niyo sa inyong mga ama kung ano ito.) Pagkatapos mamangha sa mga kakaibang kapangyarihan ng mga nilalang na ito, ibahagi ang inyong bayad upang makamit ang inyong inaasam-asam na pagkain, takam, at hiningang-bumbay. Paalala: Maghanda ng barya dahil kalimitan ay wala silang panukli (ito ay base sa aking mga karanasan.)


"Kung hindi ka pa nakakakain ng shawarma, malamang ay may kakilala kang nakakain na nito. Tanungin mo siya kung masarap. Kapag sinabi niyang masarap, masarap. Kapag sinabi niyang pangit ang lasa, siya ay sinungaling at dapat gawing shawarma."

No comments:

Post a Comment