Friday, August 14, 2009

Napansin mo na ba?


Sabi sa mga iba't - ibang survey na tayo raw mga Pilipino ay isa sa mga pinakamasasayang tao sa buong mundo. Totoo naman, palagi nga naman tayong nakakakita ng mga taong tuwang - tuwa sa mga kwentuhan, usapan, at mga corny jokes. Sa lagay na isa nga tayo sa mga pinakamasasayang tao sa buong daigdig, masaya ba tayo na tayo ay mga Pilipino? Masaya ba tayo sa bansa natin? At higit sa lahat, may prinsipiyo at respeto pa ba tayo sa pula-asul-puti, sa araw at tatlong magigiting na tala? Para kasing nilalabag natin ang nilalaman at saloobin ng Panatang Makabayan pag nasa bansa, at napakalaking karangalan ito pag tayo ay nasa ibang bansa. Ano ba ang pinapakita natin?


Napansin mo na ba ang mga tambay sa kanto, bilyaran, sari-sari store, at sabungan? Pansin natin kaagad na puro beer, alak, at sigarilyo lang ang nasa loob ng kukote nila. Nagagawa pa nga nilang dumura sa mga gilid - gilid, sumabay sa asong umiihi sa tabi para may masisi, at laiitin ang mga taong natatakot at mas mahina sa kanila. Pero, sa mga mapapalad na makakapangibang-bansa, mapapansin natin na hindi nila kayang gawin ang mga kanilang pangkaraniwang gawain. Ano ba ang pinapakita nila?


Napansin mo na ba ang mga kaskaserong tsuper ng mga bus at jeep? Grabeng harurot! Talagang walang sinsantong kotse, mamamayan, at speed limit sign. Hindi lamang yan, sa itim ng usok na nagmumula sa mga malalaking tambutso sa likod ng mga behikulong nasabi ay halos wala nang makakita sa kalsada na nagsasanhi ng mga malulubhang aksidente, at binabawasan ng patinggi - tinggi ang mga buhay ng ating kabataan na magsisilbing kinabukasan ng ating bayan. Ngunit, pag sila nama'y nakakuha ng trabaho sa ibang bansa bilang tsuper, nagagawa naman nilang sundin ang mga patakaran ng bansang kinatutungtungan nila. Ano ba ang pinapakita nila?


Napansin mo na ba ang mga "uber" class na mga babae aka "kikay girls" ngayon? Alam naman natin na sila ang mga uri ng tao na maituturing maykaya at nasa mataas na estado ng pamayanan. At mas lalong alam natin na sila ang mga uri ng tao na sa isang tingin lang, alam na natin na halos lahat ng ari - arian dito sa lupa ay meron sila. Madalas natin silang makita na may pink handbag, high-tech gadgets, engradeng damit, at palaging tumatambay sa iba't - ibang coffee shops. Sa unang tingin pa lang, halatang pinapakita nila na lahat ay meron sila. Ngunit, hindi naman nila kayang gawin na magdala ng bayong, gumamit ng tsinelas na gawa sa abaca, at bilhin ang mga abanikong gawa sa iba't - ibang probinsiya sa bansa. Ano ba ang pinapakita nila?


Napansin mo na ba ang mga "enterpreneur" sa ating pamayanan ngayon? Sila ang mga dugong - bughaw, kumbaga, mga maharlika. Malamang, gawa sa ginto ang kanilang mga bahay. May plasma T.V. bawat sulok. Tubig ng toilet nila ay Pepsi. At baka nga, eh, shower nila pera. Para ngang ang bawat bulsa ng kanilang mga pantalon ay may perang hindi kukulang sa kikitain mo sa buong buhay mo. Sa ganitong uri ng pamumuhay, malamang, eh, napaka-enganyo ng kanilang kainan, yun bang parang mga kainan tuwing may appointment sa White House. Bawat order ay nakakabulol na salita at iba't - ibang spelling, tulad ng shish kabob/shish kebob/shish kebab/shish kabab. Ngunit, hindi naman nila kayang kumain ng mga pagkaing pagkasimpleng bigkasin tulad ng pakbet, sinigang, at ang napakasarap na dinuguan, sa publiko kasama ng mga mata ng sanlibutan dahil sa takot na masira at mag-iba ang pananaw ng mundo sa kanya. Ano ba ang pinapakita nila?


O, ano nga ba ang pinapakita nila? Kung alam mo, sagutin mo itong tanong na ito bilang isang mamamayan at matapat na Pilipino .....




..... NAPANSIN MO NA BA?

No comments:

Post a Comment